Magkahawak ang kamay namin habang nakahiga sa malambot na kama. Pareho kaming nakatingin sa kisame. Ilang sandali na rin kaming ganito. Hindi ko alam kung anong iniisip niya. Ayoko namang magsalita. Pinikit ko ang aking mga mata. Dinama ang katahimikan na bumabalot sa loob ng silid na kinaroroon namin. Ilang sandali pa ay naramdaman ko ang pagkawala ng mga kamay niya mula sa aking pagkakahawak. Hinihintay kong tumayo na siya, subalit nagkamali ako. Naramdaman ko ang malambot niyang palad na humahaplos sa pisngi ko. Kasunod noon ang malamyos niyang tinig.
“Alam mo ba kung anong pinakagusto kong part pang ginagawa natin to?”, tanong niya.
Bahagyang kumunot ang noo ko pero hindi pa din ako dumilat.
“Ang alin?”, ganting tanong ko. Bumuntong hininga siya. Iniyakap ang kanyang braso sa bewang ko at inihilig ang ulo niya sa balikat ko.
“Ito. After nating mag make love…”, sagot niya. Bahagyang natawa ko sa sinagot niya.
“Aling part?”, pilyang tanong ko. Narinig ko ang mahina niyang pagtawa na sinundan muli ng buntong hininga.
“Yung kapag natapos na.”, mahina niyang sagot na nagpadilat saking mata. Tinignan ko siya.
“Bakit kapag tapos na?”
Ngumiti siya at hinalikan ang pisngi ko.
“Kasi pagkatapos, niyayakap mo ko ng mahigpit tapos sinasabi mong mahal mo ko.”, sagot niya.
Napatitig akong muli sa putting kisame. Lumilipad ang diwa ko.
“Bakit hindi ko ba sinasabi sayo yun?”
Hindi siya umimik. Naramdaman ko na humigpit ang pagkakayakap niya sa bewang ko.
“Paano mo nasasabing mahal mo ko?” muli ay tanong niya.
Patlang. Ilang segundong katahimikan.
“Mahal kita. Hindi ba sapat na sinasabi ko?”
“Pero mahal mo din sila…”
Natawa ko. Tawa na walang buhay. Nalalasahan ko ang pait.
“Mahal kita Sheryl. Mahal ko sila…hindi ko alam bakit naging ganito ako. Hindi naman ako nanloloko ng babae. Bago ako pumasok sa relasyon alam niyo na kung anong kaya at hindi ko kayang ibigay.”
Buntong hininga.
“Hindi ka ba napapagod?”
Tinignan ko siya sa mata.
“Sobrang napapagod na ko. Alam mo ba yung pakiramdam na oo madame sila, kung tutuusin hindi ako mababakante sa kasama, pero pagtapos na yung araw…alam mong wala ka pa ding uuwian. Sa gabi ilan silang katext ko, lahat sila nilalambing at sinasabihan ng “I love you”…yung mga words na yun, nawawalan na ng kahulugan.”
“Alam mo ba bakit ako naging ganito? Siguro dahil hanap ako ng hanap sa isang bagay na hindi ko alam kung ano. Sa taong hindi ko alam kung makikita ko pa. Sa tuwing gusto ko ng magseryoso sa tao, ito ang nangyayari. Lagi akong huli. Gusto kitang agawin kay Dianne, pero hindi tama. Dahil alam kong mas mahal mo pa din siya at kahit baliktarin ko ang mundo siya pa din ang pipiliin mo.”
“Bakit pinangungunahan mo ang bukas?”singit niya.
“Bakit hindi ba totoo? Ilang beses na kong nabigo. Hindi na nga ko makaiyak. Sa bawat dumadating, lagi kong hinihiling n asana magtagal siya sa buhay ko, na sana hindi na siya umalis. Pero hanggang ngayon wala pa din.”
Katahimikan ulet.
“I’m sorry Leanne…”
Pagak na tawa.
“Sorry for what Sheryl? Ginusto natin to pareho.”
Patlang. Wala kong madinig kundi ang tibok ng puso ko. Mabilis. Parang ano mang oras sasabog at mawawasak.
“Sa tingin mo dadating pa siya sa buhay ko?” wala sa sariling naitanong ko bigla.
Niyakap niya kong muli ng mahigpit.
“Oo. Dadating siya.”
“Bakit hindi pa ngayon?”
“Kasi madami ka pa daw dapat matutunan.”
“Ano pa bang dapat kong matutunan?”
“Life ang magtuturo sayo kung ako yon.”
“Natatakot ako…”
“Natatakot saan Leanne?”
“Na baka pag dumating na siya…ubos na lahat ng paniniwala at pagmamahal na natitira sakin.”
Hinalikan niya ko sa pisngi.
“Hindi nauubos yan. Pag dumating na siya, lahat ng pangako na hindi mo maibigay mo sa amin, ibibigay mo sa kaniya lahat yon.”
Umupo ako. Naramdaman kong niyapos niya ko mula sa likuran. Hinawakan ko ng mahigpit ang kamay niya.
“Mahal na mahal kita Sheryl. Kahit alam kong mali… sobra sa inaakala mo. At higit sa inaasahan ko.”, mahina kong bulong…
Ilang sandali pa naramdaman ko ang pagpatak ng luha mula sa aking mga mata.